Sunday, February 27, 2011

Pinas: Makakaahon ka rin!

Kilala ang Amerika, Europa , Japan at marami pang bansa bilang first-world country ( pa sosyal pa ) o simpleng mayayamang bansa na naghahari sa buong mundo. Isa sa mga indikasyon ng pagiging maunlad ng mga bansang ito ay ang pagkakaroon ng sapat na trabaho para sa mga mamayan, magandang pamumuno ng pamahalaan at dekalidong serbisyong publiko. Iyan ang kanilang mga pamantayan. Ngunit rito sa bansang Pilipinas masyadong nalilihis ang pagkakaintindi ng tao sa salitang maunlad o pag-unlad ng isang bansa.

“Wow ang taas ng mga building sa Maynila! Napakaunlad talaga ng Maynila kumpara sa ibang lungsod sa Pilipinas.“ Kadalasan iyan ang mga katagang pinaniniwalaan ng mangilan-ngilang mga Pilipino. Hindi ko nga maintindihan kung bakit ganito tayo mag-isip , naisip ko na lamang na sadya lang mababaw ang kaligayahan nating mga Pinoy. Taliwas sa pananaw na iyan, ay nais ko pong ipabatid na hindi sa lahat ng pagkakataon ay isang indikasyon ng kaunlaran ng isang bayan o lugar ang mga nagtataasang gusali. Hindi po porket pinautang ng World Bank ang Pilipinas ng pera ay nangangahulugan na nakabayad na tayo ng utang at pinapautang lamang muli at mayaman ang bansa natin sapagkat nakakapag bayad at nakapangungutang ulit. Hindi dahil sa dumaragdag ang bilang ng istasyon ng LRT eh umuunlad ang bansa natin under pa rin po iyan ng BOT System (Built by foreigner, Operate by us for 2 years or more, then Transfer). Hindi dahil sa may kotse o may bagong cellphone ang isang tao ay maunlad na sila. Ang lahat ng mga ito ay hindi indikasyon ng pag-unlad kundi pagkilos pa lamang na naghahangad na tumungo roon (hari nawa!).

Kapag naabutan na po natin na ang mga OFW sa ibang bansa ay nagsisibalikan na sa Pilipinas dahil sa may sapat ng trabaho rito, kapag nakakatanggap na ng tama at sapat na serbisyong publiko ang mga mamayan tulad ng libreng gamut sa mga ospital, tulong pinansyal sa pag-aaral dahil sa may pondo na ang gobyerno para dito (isama mo pa ang pagkaubos ng mga corrupt), kapag may sapat ng trabaho at bumababa na ang mga presyo ng bilihin tulad ng gaas at bigas sa pinas, kapag hindi na tumaas ang transportation fare sa jeep at kapag wala ng nag ra-rally sa iba’t ibang lugar. Sigurado ako , masasabi mo ng maunlad ang bansang Pilipinas. Kahit pa walang kang makitang nagtataasang mga building tulad ng nakikita mo sa New York, kahit mga bahay kubo lamang ang tirahan sa Pilipinas basta’t mangyari lamang ang mga iyan (hari nawa uli!) sigurado ako, isang indikasyon na iyan na umuunlad ang bansang Pilipinas.

Bagama’t ang mga bagay na ito ay sadyang nakalulungkot, aminin man natin o hindi, ang Pilipinas ay nasasadlak pa rin sa putikan, sa kahirapan. Ngunit alam ko at patuloy akong naniniwala na balang araw (sana buhay pa ako!) ay aangat rin ang Pilipinas sa kanyang kinasasadlakan sapagkat nakikita ko, bagamat hindi man mabilis at marami, ay mayroong mga Pilipino na patuloy na nagsisikap at nag-aasam ng pagbabago hindi lamang sa kanilang sarili kundi maging sa bansang ito!

No comments:

Post a Comment