Friday, December 23, 2011

Isang araw bago ang Pasko.




Bisperas na ng pasko, kay aga kong nagising. Barilan kaninang simbang gabi, apat na putok raw ang umalingawngaw. Napailing na lamang ako.

Lumabas ako ng bahay, usap usapan nga ito. Parang may nagaganap pang "man hunt" sa nangyaring insidente, kaya aligaga ang mga tao.

Kagaya ng kinagawian ko kapag ako'y walang pasok, diretso agad ako sa computer shop na binabantayan ko. Napaupo ako at nakapagmuni-muni sa mga nangyayare. Naitanong ko na lang sa sarili ko " Bakit kaya ganito? "

Hindi ko maintindihan ang sarili ko, maraming mga bagay ang tumatakbo sa isip ko. Pero isa lang ang kumatok sa puso ko. Masaya kaya si Jesus sa mga nangyayaring ito? Ganito ba dapat natin "taon - taon" na lamang ipagdiwang ang kapanganakan ng Messiah?

Hindi ko kasi maisip, kung papaano nagawa ng mga taong iyon ang kumitil na lamang ng buhay at magpaputok ng baril sa harap pa mismo ng simbahan. Hindi ba nila naisip na mas maswerte tayo at hindi natin dinanas ang katulad ng nangyare sa Cagayan De Oro? Ganoon na lamang ba kadali sa mga taong ito ang kumuha ng buhay ? Nakakainis hindi ba? Ngunit iyan na ang realidad ngayon.

Hindi ko ginawa ang article na ito para ipahayag ang saloobin ko sa mga nambaril na iyon. Ang nais kong iparating ay " Ganito na ba talaga kababa ang ating pananampalataya at paniniwala at taon-taon na lamang ay paulit ulit ang mga pangyayaring ito? " Masyado na tayong nakain ng kasakiman, krimen at mga kamunduhang bagay? Patayan, barilan, nakawan, inggitan, suklaman at paghahangad ng kapangyarihan. Hindi na to' ang mundong makatao kundi mundong maka mundo!

Palagi kong naitatanong sa sarili ko kung kailan nga ba maiintindihan ng tao at mauunawan ang isa't - isa? May panahon pa kaya? May oras pa?

Sa pagpasok ng taong 2012 marami ang nagsasabing magugunaw na ang mundo. Ayokong maniwala rito, sapagkat wala naman ang nakakaalam kung kailan ito mangyayari kundi ang Diyos Ama lamang kagaya ng nakasulat sa Banal na Aklat. Ngunit wala akong magawa kundi, hilingin na rin na magkatutuo ito kung hindi magbabago ang mga tao sa darating na bagong taon.

Isang araw na lamang bago magpasko, 5 araw bago magbagong taon. Alam kong maikli ang panahong ito para magkaunawan at magkaintindihan ang mga tao. Ngunit isa lamang ang hiling ko, na sana na kahit na lamang sa araw ng "Pasko" o "Bagong Taon" ay magkaroon ng pagmamahalan at pagkakaisa ang bawat tao ng nawa'y tunay nating maintindihan ang mga kahulugan ng araw na ito.

Marami ang mga namatay sa Cagayan De Oro halos 1,000 katao ang magdiriwang ng Pasko ngayon sa mga lamayan, marami rin ang nasugatan nasa mga pagamutan. Sa mga pangyayaring ito, nawa'y maisip sana natin na tayo ay pinagpala ng ating Panginoon at hindi natin dinanas ang ganitong pangyayari. Tumingin ka sa paligid mo at pahalagahan ang mga taong nasa paligid mo. Ang buhay na mayroon ka ngayon, ang mga kaibigan mo at ang mga magulang mo.

At higit sa lahat sana'y pasayahin naman natin ang ating Diyos na may gawa nitong lahat. Sa simpleng pagtulong at pagpapakita ng pagmamahal sa ating kapwa , sigurado na akong abot tenga ang ngiti sa Kanyang mga labi.

Ang Pasko ay hindi isang "okasyon" kundi ito'y isang "damdamin" na namamayani sa bawat isa sa atin. Nawa'y magsilbing ilaw ang pagpapakatao ng Diyos sa atin upang tayo ay lumabas sa kadiliman at harapin ang kaliwanagan. Tayo'y magpakatao rin kagaya ng ginawa ng Panginoon at tanggapin kung ano mang kahinaan mayroon tayo. Ang pasko ay pagiging "totoo" natin sa ating sarili. Huwag nating hayaan na tayo'y kainin ng ating kapalaluan. Magpakatotoo tayo kagaya ng ating Diyos na bumaba at nakisalamuha sa atin.

Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon sa lahat!

No comments:

Post a Comment